Looking Forward to Year 50 of ‘Eat…Bulaga!’

Filed Under (Real Life) by s magazine on 09-07-2009

Tagged Under : ,

by Joey de Leon

As told to the S EDITORIAL TEAM

cohosts8

Hindi namin inakala na tatagal ng 30 years ang Eat…Bulaga! Sabi ni Vic noon, “Okay na, makabili lang ako ng kotse, ayos na ‘to. Hindi naman natin tatalunin ‘yang Student Canteen eh.” Kasi galing kami do’n. “Sige, kahit ano. Raket lang ‘to, wala tayong ginagawa eh.” Naka-istambay kami. Natuloy-tuloy eh.

Alam mo kung sumuko sila Tony Tuviera (executive producer) after one and a half years, wala na. Hindi namin matalo-talo ang Student Canteen. Hindi kami sumusuweldo for one year. Kaya du’n mo naman nasubukan ‘yung barkadahan. “Sige lang, it’s not for the money.”

Until ano eh, may contest kami, Maid in the Philippines ‘ata. Doon namin nalaman na masa ang lunch. Sumikat tapos sinabayan namin ng macho dancing. (laughs) Wala pa si Hayden, 1979. Macho dancing, ‘yung mga galaw sa gay bar. Pumalo! Nilagpasan namin ‘yung Student Canteen. Nu’ng nilagpas na ‘yon, sinundan namin ng mga Xanadu, mga ganyan… Kasi ‘yun ang hindi ginagawa sa Student Canteen kasi singing contest sila. Kunwari, Tony Bennett of the Philippines. Kami kasi, well, sumabay kasi ‘yung Regal Films. Nag-uumpisa si Mother (Lily Monteverde) eh. Mga promotion ng movies, acting contests… Nu’ng lagpas naming ‘yon, hindi na lumingon ‘yon. Tuloy-tuloy na after one and a half years.

Siguro sa unang tingin, ang Student Canteen, formal eh. English show siya. Siguro magandang alternative kami dahil mga naka-mahabang buhok, mga naka-T-shirt. Ang salita, salitang kanto.

‘Yung title na Eat…Bulaga! ako ang nag-isip no’n. Hiningan kami ng titles eh. Iba-iba, kung anu-ano ‘yung titles. Student Canteen kasi ‘yung kalaban, galing din kami do’n. So ang ideya ko talaga kung gagaya ka, ang title mo, parang Student Body… Hindi ko pinansin yung “student” dahil magmumukhang gaya. Naglaro ako dun sa “canteen,” dun sa “eat.” Kaya nga surprise at lunch eh, Eat…Bulaga! Kaya naging Taglish ‘yon. Baduy na baduy ‘yung idea ko eh, sabi ko, “Kailangan ma-ano natin ‘yung A, B, C, D, E. Kailangan English at Tagalog.” Dumating na lang ‘yung Eat Bulaga eh. Naghanap ako ng isang bagay, ng isang linya na hindi maluluma. Kaya nga hangga’t may bata, may Eat Bulaga.

Noong una, hirap na hirap eh, ayaw kumabit eh. Pero ‘yun na ‘yung pinili ni Tuviera at saka nu’ng lupon. ‘Yung panel ‘yun ang pinili nila. “Sige, ‘yan na.”

Noong una, parang hindi nila type. Kumabit eh, habang tumagal.

Lumipat kami from Channel 9 to ABS dahil nagbabangon eh. Hiningi nila ang tulong namin nung ’86 eh. Dati nga naaalala ko ang mga executives no’n, naka-polo lang eh, lumalapit kay Mother Lily humihingi ng tulong sa artista. Nu’ng sumikat sila, “Oops, amin na. We take over.” Eh siyempre, pinapili kami eh. Kay Tuviera kami sumama, so pare-pareho kaming walang trabaho. In-offer niya sa Siyete or nag-offer ang Siyete, hindi ko alam whichever. So nalipat kami ng 7.

Ako nga lang ang nangangarap. ‘Yung iba naninigurado, 2 or 7 ngayon, kahit saan di ba? Ako hindi, nu’ng naka-tatlo na kami from Channel 9 to Channel 2 to Channel 7, sabi ko “Ano, pag tapos na ‘yung kontrata sa 7, lipat naman tayo sa Singko.” (laughs) Sa akin, totoo ‘yun. Kasi ang akin, history ang iniisip ko eh. Kung sakali, kami lang ang TV show na naka-apat na network na tuloy-tuloy.

Sa competition naman, ang masasabi ko, two can survive. Ang joke diyan sa 2 eh, kahit anong gawin n’yo, 2 lang kayo. Totoo naman eh, kami 7. Pero love ko ‘yon, ABS. Tingnan mo nakatago ‘yung bato sa akin, diyan ako galing eh. Kaya pag may inaaway ako do’n at bumabalik sa akin, “Oops, mamasyal ka muna diyan. Andiyan ang pangalan ko sa pader.”

Pinag-uusapan nga namin na nag-evolve na ang noontime show. Dati toyo lang ang premyo. At saka pati artista ang bigay lang mga supot ng mga kung anu-ano. Eh ngayon nagpe-premyo ka na ng 1 million, 2 million. Nag-iba na eh. Kaya ang tao, na-e-entertain na, kumikita pa. Nagbago eh.

Read more of Joey de Leon’s story in the July 2009 issue of S Magazine.

Comments are closed.